Umapela ang Department of Health (DOH) sa publiko matapos kumalat ang ilang larawan sa social media ukol sa ginagawang page-edit ng negative results sa COVID-19 test.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kumilos na ang Philippine National Police sa insidente matapos nilang i-report sa otoridad ang viral na mga imahe.
Nilinaw naman ng opisyal ang proseso na kanilang ipinatutupad sa paglalabas ng resulta ng mga nagpasailalim sa COVID-19 test.
“We only release our results to the individuals, we e-mail it to them and also of course to the facilities that we send it through kung sino yung nagpa-test.”
“Other than that walang makakakuha ng resulta na ‘yan.”
Sa inisyal pagsisiyasat natukoy daw na resulta ng rapid test, at hindi RT-PCR test ang nakitang ine-edit sa larawan.
“Dapat maintindihan ng mga tao na yung ginagawa nilang ‘yan may cause: the further transmission of diseases if we do that.”
Pero nanawagan pa rin ang DOH sa local government units na isama sa kanilang ginagawang responde ang pagtutok sa ganitong insidente.
“Tinitingnan natin kung paano natin mas mae-ensure na ito namang klase mga ganitong pagre-release ng rapid antibody (tests) ay hindi magkakaroon ng ganitong issue.”
Pagsasabihan din daw ng ahensya ang mga laboratoryo para matiyak na ligtas sa hindi otorisadong pagre-release ang resulta ng ginagawang COVID-19 tests.
“Most of our laboratories are using barcodes na rin, so mahirap ‘yan ma-fake. Kasi yung aming mga tests pinapadala lang ‘yan sa specific individiuals atsaka facilities, so mahihirapan sila (i-peke) ang RT-PCR tests (results).”
Sa huling tala ng DOH, 91 na ang total ng laboratoryo sa bansa na lisensyadong humahawak ng RT-PCR o swab test sa COVID-19.