Hindi pabor ang Department of Health (DoH) sa panukala ng Commission on Elections (Comelec) na payagang makaboto pa rin ang mga positibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa May 2022 elections.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, posible kasing maging dahilan pa ng pagkalat ng virus kapag papayagang makalabas sa kanilang pasilidad ang mga positibo sa covid.
Dahil dito, hindi raw inirerekomenda ng DoH na payagan ang in-person voting ng mga COVID-19 patiens.
Pero puwede naman daw gumawa ng paraan ang Comelec para makaboto online ang mga botanteng gustong bumoto na dinapuan ng naturang virus.
Kung maalala, noong nakaraang linggo inihayag ni Comelec Chairperson Sheriff Abas na posibleng mag-set up ang mga ito ng isolation areas para makaboto pa rin ang mga COVID-19 patients.
Pero nilinaw ni Abas na hindi nila papagayang magsilbi sa halalan ang mga poll servers kung magpositibo ang mga ito sa covid.
Sa ngayon, patuloy daw ang koordinasyon ng Comelec sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases para isapinal na ang guidelines sa papalapit na halalan.