-- Advertisements --

Dumepensa ang Department of Health (DOH) laban sa ulat na tinatago ng ahensya ang tunay na bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa bansa, sa pamamagitan nang pagbalandra sa numero ng active cases o yung mga confirmed na nagpapagaling pa.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang pagha-highlight nila sa active cases ay paalala para malaman ng publiko kung ilan pa ang confirmed cases na kailangang bantayan at gumaling.

“Ang number of active cases on a national and local level at hindi ang total of cases ang ginagamit nating basehan sa pagde-desisyon kung anong klaseng measures at responses ang kailangan nating i-carry out sa isang lugar.”

Ginagamit din daw ang bilang ng active cases na indictor o batayan sa adjustments na ginagawa sa mga ipinatutupad na panuntunan.

“Kung iisipin naman kasi natin, Bakit natin iha-highlight ang total number (of cases) eh malaking porsyento na sa kabuuang bilang ay recovered na.”

Tiniyak ni Vergeire na ang mga datos na isinasapubliko ng DOH ay angkop at napapanahon para makatulong sa pagdedesisyon ng publiko.

“Hindi naman nakatago ang total number of recorded positive cases dahil naka-include naman ito sa situation reports at case bulletins na nilalabas araw-araw.”

Nilinaw din nito na kaya hindi inirereport ng ahensya ang bilang ng total positive individuals na nakasaad sa mga situational reports ay dahil dumadaan pa ang resulta ng mga ito sa validation.

“Dahil sa deduplication at validation process na ginagawa ng ating Epidemiology Bureau. Mahalaga itong proseso na ginagawa bago maisama sa total confirmed case count.”

“Sa mga laboratory outputs hind tini-take into account ang duplicates at repeat tests within laboratory at with different laboratories.”

Batay sa case bulletin na inilabas ng DOH nitong araw, nasa 45,646 pa ang confirmed cases na nasa kategoryang active.

Ang total naman ng COVID-19 cases sa Pilipinas ay pumalo na sa 70,764.