Tiwala si Health Undersecretary Gerardo Bayugo na walang contamination na nangyari nang lumapag sa Clark Freeport nitong umaga ang mga Pilipinong umuwi mula sa Wuhan, China.
Ito ay dahil “adequately” implemented naman aniya ang planong binuo ng nCoV inter-agency task force para sa arrival process ng mga repatriated na mga Pilipino.
“Nandodoon na po kami in a very safe distance. We made sure that the implementation of the disembarkation, deplaning is implemented. It went well,” saad ni Bayugo sa isang pulong balitaan.
Nitong umaga, 30 Pilipino ang umuwi ng Pilipinas mula Wuhan, China sa gitna ng banta ng panibagong strain ng coronavirus, na kumitil sa buhay ng 803 katao at nakapag-infect sa humigit kumulang 37,000 iba pa.
Alas-7:00 ng umaga nang dumating ang mga repatriated Filipinos sa Clark Freeport sa tulong ng Department of Foreign Affairs.
Hindi na sila dumaan pa sa Clark International Airport terminal, bagkus dumiretso sa Haribon Hangar ng Philippine Air Force.
Kaagad namang dinala ang mga ito sa Athlete’s Village sa New Clark City sa pamamagitan nang pagsakay sa mga coaster buses.
Sa naturang lugar mananatili ang mga ito sa loob ng 14 na araw para sa quarantine period.
Ayon kay Bayugo, nagpapahinga na ang mga repatriated na mga Pilipino sa Athlete’s Village.
















