-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Health (DoH) na tinutugunan na nila ang ulat ukol sa tumataas na COVID-19 cases sa mga batang may edad na dalawang taong gulang pababa.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang ‘pediatric group’ ang isa sa nakita nila sa data na nagkaroon ng paglobo ng kaso sa nakalipas na mga araw.

Kaya naman, nagkakaroon na sila ng hiwalay na monitoring dito at nagbibigay na rin ng gabay sa mga magulang at guardians ng mga paslit.

Nakikipag-coordinate na rin sila sa mga barangay para makatuwang sa pagtugon sa lumabas na problema sa komunidad.

Pero maliban sa mga bata, binabantayan din ang mga nasa edad na 15 hanggang 19-anyos, kung saan nakita na mataas din ang impeksyon sa kanila kum­para sa ibang age groups.

Sa data ng DoH nitong Hulyo 11, 2021, sa 0-4 age group, nakapagtala ng 26,911 cases na may 218 deaths at 25,631 recove­ries; ang 5-9 age group ay may 27,970 cases na may 33 deaths at 26,806 reco­veries; ang 10-14 age group ay may 38,419 cases na may 63 deaths at 36,775; at ang 15-19 age group ay may 58,587 cases na may 121 deaths at 56,163 recoveries.