-- Advertisements --
image 128

Tiniyak ng kagawaran ng Kalusugan na may sapat na supply ng mga gamot para sa mga rehiyon na sinalanta ng dalawang magkasunod na bagyo, na nagdulot ng malawakang pagbaha.

Ginawa ni Sec. Ted Herbosa ang pahayag, dahil na rin sa aniya’y inaasahang pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa mga nabanggit na rehiyon.

Ayon sa Kalihim, maraming mga antibiotic na gamot ang una nilang naidala sa Region 1, Region 2, at Region 3, bago pa man ang malawakang mga pagbaha.

Kasabay nito, pinayuhan naman ng kalihim ang publiko na iwasang lumusong sa mga lugar na labis na binaha.

Payo pa nito sa publiko na agad magpakonsulta sa mga health care centers oras na makaramdam ng sintomas ng leptospirosis.

Kinabibilangan ito ng lagnat, panginginig ng buong katawan, paninilaw ng balat, pananakit ng mga kasu-kasuan, at matinding sakit ng ulo.