Tiniyak ng Department of Health (DOH) na walang maiiwan sa populasyon ng Pilipinas sa oras na magsimula na ang distribusyon ng inaasahang bakuna laban sa COVID-19.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna pa rin ng mga kwestyon sa appointment ng retired Armed Forces chief at kasalukuyang chief implementer ng National Task Force against COVID-19 na si Sec. Carlito Galvez bilang vaccine czar.
Sa ilalim daw kasi ng panukalang stratehiya ni Galvez, tiyak na pantay na maipapamahagi ang darating na bakuna sa bansa.
“Sa vaccine distribution ang gagawin natin ay ‘spokes and hub’ strategy dahil napaka-sensitibo ang cold chain storage ng ating vaccine, kailangan magkaroon tayo ng magandang logistics plan,” ani Galvez.
“So he is talking about the distribution system kung saan its going to be more efficient and expeditious because there is a hub and then there are these spokes na equally at sabay-sabay na nagdi-distribute ng vaccine,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na dapat maunang mabakunahan ang mga medical workers na naging frontliner ng estado sa pandemya. Pati na ang mga pulis, sundalo, mga mahihirap at senior citizen.
Aminado si Usec. Vergeire na kahit matagal nang nagpapatupad ng programa sa pagbabakuna ang pamahalaan ay may mga hamon pa rin silang hinaharap sa implementasyon nito. Tulad ng mataas na demand at agawan sa supply, pati na ang mga pangangailangan sa logistics tulad ng cold chain storage.
Nagiging problema rin daw minsan ng kagawaran ang monitoring sa mga tinuturok nilang bakuna.
Nagsimula nang makipagpulong si Sec. Galvez sa DOH at Department of Science and Technology (DOST). Naipresenta na rin umano niya ang nabalangkas na plano sa implementasyon ng COVID-19 vaccination.
“Pinakita niya sa amin, sa DOH, yung 7-point strategy, at nagbigay siya ng komento sa planong ginawa ng DOH. So nabigyan na ng guidance ni Sec. Galvez ang DOH kung paano pa mai-improve yung plano, but just in a nutshell wala tayong binago sa ginagawa natin,” ani Vergeire.
“Kami ay naniniwala na makabubuti na may vaccine czar, kahit na marami kaming involved mayroong isa sa taas na nakakaalam. But we were told that we will carry on with our role in evaluation and selection. We will just stick to our assignment and siguro magtiwala kayo sa aming mataos na pagsunod sa aming trabaho,” ani Science Sec. Fortunato dela Pena.
Ayon sa kalihim ng DOST, wala pa ring impormasyon kung anong mga bakuna ang gagamitin at kung anong petsa sa Disyembre magsisimula ang Solidarity Trial ng WHO sa Pilipinas.
Pero tulad ng paalala ng DOH, hangga’t wala pang bakuna ng COVID-19 sa bansa ay dapat sundin ng publiko ang minimum health standards.