-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag bibitiwan ang pagsunod sa minimum health standards kahit niluwagan ang panuntunan sa mga pampublikong sasakyan.

Ang pahayag na ito ng ahensya ay kasunod din ng panibagong projection ng mga eksperto sa OCTA Research Team, na nagsabing posibleng tumaas ang COVID-19 cases dahil sa mas accessible nang public transportation.

“Kasabay ng pagbubukas natin unti-unti ng ekonimiya and other sectors of the society, we expect at kasama yan sa risk na ating mina-manage, itong pagtaas ng kaso (ng COVID-19) kung saka-sakali,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.

Binigyang diin ng opisyal na hindi maaaring dumepende lang ang gobyerno sa pagpapatupad ng lockdown, at kailangang masanay ng mga tao na mamuhay kasama ang virus.

Ang mga ipinapatupad naman daw ng gobyerno na bagong panuntunan ay nakahanay pa rin sa payo ng mga at eksperto; kaakibat ang responsibilidad ng publiko sa pag-iingat.

“If only people will implement and comply with the minimum health standards, the infection will not be as transmissible than how it is before.”

“We hope that our population ay sumunod ng maigi para hindi ito mangyari at maiwasan ang pagtaas muli ng mga kaso.”

Nitong buwan nang payagan ng Duterte cabinet ang pagpapatupad ng one-sit-apart policy sa mga pampublikong sasakyan, mula sa 1-meter distancing na ipinatupad sa nakalipas na mga buwan ng lockdown.