Umapela ang Department of Health (DOH) sa publiko na hangga’t maaari ay iwasan ang pagtitipon kahit pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga aktibidad tulad ng seminars at workshops.
“Kung kaya pa rin ng virtual of course that would be more acceptable for us, at mas nire-rekomenda natin dahil dito maiiwasan talaga natin ang paghahawa-hawa,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum noong Biyernes.
Sa ilalim ng isang IATF resolution, pwede na ang naturang aktibidad sa mga lugar na nasa antas ng general community quarantine (GCQ).
Partikular na pinapayagan ng mga opisyal ang congresses, conferences, board meetings, colloquia, conclaves, symposia at consumer trade shows.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, 30% capacity lang ang dapat payagan na pumasok sa mga mapipiling venue ng mga aktibidad.
Paalala ni Usec. Vergeire sa publiko, sundin ang minimum health protocols kung kailangan talagang dumalo sa naturang mga pagtitipon.
“Kung sakali na may ganitong events based on the IATF resolution, kailangan natin laging alalahanin: alam natin na nandyan pa yung virus, kailanga vigilant tayo, naka-mask and face shield, naka-distant sa katabi, at well-ventilated yung pagdadausan.”
Sa huling tala ng DOH, pumalo na sa 438,069 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.