-- Advertisements --

MANILA – Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko kasunod ng mga ulat na may ilang grupo ang nagsasagawa ng hindi otorisadong pagbabakuna laban sa COVID-19, sa mga hindi rin opisyal na vaccination site.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, delikadong magpabakuna sa mga hindi opisyal na vaccination site dahil walang katiyakan na dumaan ang mga ito sa standards ng ahensya.

Hindi rin daw masisiguro na galing sa gobyerno ang mga bakuna, gayundin ang monitoring sa mga indibidwal matapos mabakunahan.

“Any vaccination site that will be assigned as official vaccination site, ini-inspect yan ng DOH because we have standards that we have set kung ano dapat yung mga facility natin for vaccination site.”

“Kung hindi yan (pagbabakuna) sa official vaccination site, ang isang issue diyan ay how are we going to track these patients if these was done na hindi alam ng department.”

Paliwanag ni Vergeire, hanggang isang taon imo-monitor ng ahensya ang mga naturukan ng COVID vaccines, para makita ang pangmatagalang epekto ng mga bakuna.

“Kung magkakaroon ng private vaccination sites kailangan masigurado kung saan galing ang bakuna, ito ba ay galing sa national government? Mayroon bang local government na nakipag-coordinate sa kanila para magkaroon ng ganitong bakunahan?”

“Itong mga bakunang walang rehistro, hindi masisiguro ng gobyerno na ito ay ligtas at makaka-protekta laban sa COVID-19.”

Una nang nagbabala ang DOH at Food andd Drug Administration sa mga doktor at healthcare workers na tatanggalan sila ng lisensya kapag napatunayang nasangkot sila sa illegal vaccination, lalo na ang mga nagamit ng hindi pa rehistradong bakuna.

Sa huling tala ng DOH, aabot na sa 3,263 ang bilang ng official COVID-19 vaccination sites sa buong bansa.

Ngayong araw naman inaasahang maglalabas ang National Task Force against COVID-19 ng update sa kabuuang bilang ng mga nabakunahan na laban sa COVID-19 buong Pilipinas.