-- Advertisements --

MANILA – Dinipensahan ng Department of Health (DOH) ang pagpapatupad ng pamahalaan ng “lockdown” sa gitna ng tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19.

Reaksyon ito ng DOH matapos kwestyunin ng isang miyembro ng independent group na OCTA Research ang tila hindi pagiging maagap ng gobyerno sa pagsirit ng mga kaso ng sakit.

“I put a lot of blame on government. Number one, government should have closed down much earlier when we were at 1,000 or 2,000 cases,” ani Prof. Ranjit Rye sa interview ng ANC.

Paliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kailangan ng scientific basis ang pagpapatupad ng mahigpit na quarantine restriction.

Mayroon din daw “parameters” o pinagbabatayan ang pamahalaan sa pagko-konsidera ng lockdown.

“Nagla-lockdown tayo dahil nao-overwhelm ang kapasidad ng ating health system, hindi natin binabase lang sa numero ng mga kaso. Kailangan ikonsidera natin yung ibang sektor.”

“Economically, socially the lockdowns affet Filipinos kasi nagugutom sila, walang trabaho. Both physical and mental health apektado and that is part of the consideration of IATF.”

Iginiit ni Vergeire na hindi pwedeng habambuhay na naka-lockdown ang isang lugar dahil nagsisilbing banta rin daw ito para sa ibang sakit.

Hindi naman itinanggi ng opisyal ang pagpuna ng OCTA fellow sa tila nalantad na mababang antas ng healthcare sytem sa bansa.

“Simula’t-sapul recognized na yan ng DOH. Noong March (2020) wala tayong laboratoryo, quarantine facilities, kulang ang mga ospital. But looking from that up to now we can see how we have improved.”

“That’s the more important to us now not going back to what it was but looking forward ahead on how we can better prepare and improve our healthcare system.”