-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na kahit patuloy na tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa bansa ay hindi pwedeng tumanggi ng pasyente ang mga ospital.

Kaya naman hinimok ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang mga pagamutan na i-refer na lang sa mga temporary treatment and monitoring facilities ang mga mild at asymptomatic ang level ng impeksyon sa pandemic na virus.

“Part po ng ating protocol na kapag mild at asymptomatic, ire-refer po sa temporary treatment and monitoring facility para di po ma-congest ang ating hospitals,” ani Vergeire.

Ayon sa opisyal, mismong si Health Sec. Francisco Duque na rin ang nag-utos sa mga ospital na sundin ito.

Aminado si Vergeire na hamon ito para sa mga pribadong ospital, lalo na kung ang pasyente ay may sariling doktor.

Ang Philippine General Hospital nakipag-partner na raw sa Philippine International Convention Center, na isa sa mga pasilidad para sa treatment at monitoring ng mild at asymptomatic patients.

“Hospital kasi ang magre-refer dahil hindi naman puwede ang walk-in sa mga temporary treatment facilities. Hindi lang kasi basta ilalagay ang pasyente roon. Babantayan pa rin ang pasyente to make sure that they are taken care of.”

Sa kabila nito, nilinaw ni Vergeire na kung may pre-existing condition naman ang mga mild at asymptomatic COVID-19 patients ay pwede silang ma-confine sa ospital.

“Kung may pre-existing condition ang pasyente, puwede itong gawing exemption dahil sila ay vulnerable.”