Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa lahat ng local government units (LGUs) na mas patatagin pa ang mga umiiral na patakaran laban sa coronavirus disease (COVID-19.)
Kasabay na rin ito ng binabalak ng national government na ilagay ang buong bansa sa mas maluwag na modified general community quarantine (MGCQ) simula Marso 1.
Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, kailangang mag-step up ng mga LGUs para masiguro na kahit maluwag ang pamahalaan sa iba’t ibang sektor ay mapapangalagaan pa rin ang bawat isa at hindi tataas ang kaso ng deadly virus sa bansa.
Kahit ano pa raw ang risk classification o community qurantine level ay dapat pa ring maghanda ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng localized response.
Kailangan aniya ng mga LGUs na patatagin pa ang kanilang “gatekeeping indicators” tulad ng surveillance, contact tracing, testing, isolation, at treatment.
Dagdag pa ni Vergeire na maaaring magsagawa ng localized lockdowns ang mga LGUs sakali na tumaas ang trend ng COVID-19 cases sa kanilang mga lugar.
“Ang local governments have been given that authority by the IAFT (Interagency Task Force) that they can do these localized lockdowns as long as they can able to determine tumataas ang kaso and sa tingin nila ito ang makakasolve or makaka address sa pagtaas ng kaso,” saad nito.
Dagdag pa nito, “We support this kind of response from the local government kasi they are the ones on the ground. We will be guiding and supporting them in this kind of response para lang po makontrol natin ang patuloy na pagtaas ng mga numero ng kaso.”