-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga opisyal na nangangasiwa sa PBA (Philippine Basketball Association) bubble sa Clark, Pampanga matapos madiskubreng positibo sa COVID-19 ang isa sa kanilang mga referee.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, dapat manatili ang minimum health standards, mahigpit na monitoring at agarang isolation sa mga makakaramdam ng sintomas, habang inaalam pa kung saan nakuha ng confirmed case ang kanyang COVID-19 infection.

“Although you’re inside the bubble na nakita natin na nagkaroon ng isang nagka-infection, we still need to find out kung saan nanggaling at paano pumasok when in fact they’re inside the bubble.”

“It’s still basically the same (for them to implement) kung anong irerekomenda natin: minimum health standards, regular monitoring and immediate isolation.”

Nagbabala naman ang opisyal hinggil sa pag-intindi ng resulta sa COVID-19 test ng naturang asymptomatic PBA personnel. Napabalita rin kasi na nag-negatibo sa antigen test ang referee ilang araw mula nang mag-positibo sa RT-PCR test.

“Para magkaroon tayo ng accurate na ebidensya na false positive o false negative, kailangan natin pag-aralan yung mga detalye ng laboratoryo. Kailangan namin makita yuny CT (cycle threshold) value para malaman namin kung mataas ang viral load ng pasyente.”

Paliwanag ni Vergeire, dapat ma-test na agad sa RT-PCR ang referee para malaman kung ano ba talaga ang estado ng infection nito

Hindi tulad sa RT-PCR na sensitibo at kayang maka-detect ng COVID-19 virus kahit nasa pre-symptomatic stage pa lang ang pasyente, ang antigen test daw ay may kakayahan lang na maglabas ng positive result kung symptomatic at mataas ang viral load ng indibidwal.

“It would’ve been better if he was tested again by RT-PCR, not antigen (test). Yung antigen test is really accurate that time the person is infectious has high viral load and symptomatic.”

“Sana maulit na yung RT-PCR para magkaroon tayo ng mas better appreciation sa mga ginawang test sa pasyente.”