Ngayong araw na ang deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte para maipamahagi ng Department of Health (DOH) ang financial assistance sa pamilya ng health care workers na tinamaan at namatay dahil sa COVID-19.

Pero aminado ang DOH na hindi pa nila kumpletong naihahatid ang nasabing tulong pinansyal dahil sa iba’t-ibang problema.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, 26 na mula sa 32 pamilya ng health care workers na namatay ang nabigyan ng P1-milyong cheke.

Ang natitirang anim daw ay kasalukuyan pang inaasikaso ang requirement na special power of attorney.

“May anim na andiyan na ang tseke, pero hindi pa nakukuha kasi kailangan ng special power of attorney nung ibang heir kasi ‘yung next of kin nasa ibang bansa kaya anak na lang ang kukuha.”

“‘Yung iba naka-confine rin, at iyong dalawa ay vina-validate pa ang detalye sa death certificate.”

Samantala, tinapyasan pa ng DOH an 42 nasa listahan ng makakatanggap ng P100,000 compensation na health care workers na naging kritikal ang lagay sa COVID-19.

“From 70, naging 42, then 24 kasi nagde-delist po tayo. Meron po na sa medical abstract, sila po ay moderate at mild lamang. Meron rin pong mga tinawagan, at sinabi po nila na mild case lang po sila kaya hindi po nila kukunin iyong benefit.”

Sa ngayon may 10 na raw nakatanggap ng nasabing halaga. May apat namang inaasikaso na ang release, habang 10 iba pa ang vina-validate.

“Pinipilit nating maibigay lahat ngayong araw, until end of business hours. Pag-iibayuhin po natin. Pero kung sakali na hindi matapos, ang dahilan po ay unforseen circumstances,” ani Vergeire.

Kamakailan nang punahin ni Duterte ang DOH dahil sa mabagal na delay ng financial assistance. Noong Abril pa kasi nilagdaan ng presidente ang Bayanihan to Heal as One Act na nagmamandato sa nasabing tulong.