-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nanawagan ang DOH Region 2 sa mga LGUs na paigtingin ang mga programa kontra sa vape o paninigarilyo para mamulat ang mga mamamayan sa masamang epekto nito sa katawan ng tao.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Development Management Officer IV Allan Sibal ng DOH Region 2 na para sa DOH ay walang ligtas sa paggamit ng vape o sigarilyo kahit pa sinasabing kakaunti ang kemikal sa vape.

Aniya, sa isang stick ng sigarilyo ay mayroong mahigit tatlong libong kemikals at ang pinakanotorious na kemikal dito ay ang nicotine.

Sa vape naman, bagamat nicotine lamang ang masamang kemikal ay hindi pa rin ito ligtas dahil ito ang nakakaadik na substance na nakukuha sa tabako.

Hindi aniya maganda ang epekto ng nicotine dahil bukod sa nakakaadik ay makakakuha rin ng sakit na cancer at may epekto rin sa utak.

Nanawagan siya sa mga magulang na tingnan ang kanilang mga anak dahil ang vape ay hindi laruan.

Sa ngayon, karamihan sa mga rural health unit at city health office sa rehiyon ay nasanay ng basic tobacco association intervention skill o counselling to become a non smoker.

Sa mga gusto aniyang tumigil sa paninigarilyo ay magtungo lamang sa kanilang mga counselling hubs para sila ay matulungan.

Hinikayat naman ni Tobacco Control Program Manager Paulene Marie Garcia ang mga kabataan na huwag maniwala sa mga sabi-sabi na mas ligtas ang vape.

Marami aniya ang epekto ng vape at dahil mga kabataan ang madalas na gumagamit ay mas mabilis silang makakuha ng sakit.

Panawagan niya sa mga LGUs na palakasin ang mga ordinansa tungkol dito gayundin ang kanilang mag adbokasiya para malaman ng mga kabataan ang masamang epekto ng vape.