-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng emergency meeting ang Department of Health (DOH) region 2 kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan at tinalakay ang paghahanda sakaling magkaroon ng kaso ng novel coronavirus (N-Cov) sa ikalawang rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Rio Magpantay, regional director ng DOH region 2 na nais nilang maging handa sa ibibigay nilang serbisyo sakaling magkaroon ng person under investigation sa coronavirus sa rehiyon.

Nagpunta rin sila sa Lallo International Airport sa Lallo, Cagayan para makita ang paghahanda dahil maraming Chinese national na bibisita sa Sta. Cagayan ang dumarating sa airport

Ayon kay Dr. Magpantay, ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City ay maglalaan ng apat na isolation room na pagdadalhan ng mga posibleng kaso ng N-Cov sa region 2.

Tiniyak aniya ni Dr. Glenn Matthew Baggao, chief of hospital ng CVMC na may mga trained doctors at nurses na puwedeng humawak ng mga kaso ng corona virus.

Ayon kay Dr. Magpantay, bukas ay magsasagawa sila ng inter-agency meeting kasama ang ilang partner agencies at mga opisyal ng mga airport sa region 2.