Inilunsad ng Commission on Human Rights (CHR) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang Labor, Intervention, Financial, and Economic (LIFE) Assistance Program bilang paggunita sa Araw ng Paggawa, isang programang nakatuon sa pagbibigay ng tulong pinansyal at pangkabuhayan sa mga manggagawang nanguna sa pagsusulong ng karapatan sa paggawa.
Layunin ng LIFE program na suportahan ang mga manggagawang nakaranas ng panggigipit, pagbabanta, o karahasan kaugnay ng kanilang pinaglalaban. Ayon sa CHR, ang programang ito ay “naglalayong tugunan ang agarang pangangailangang pang-ekonomiya ng mga manggagawa at muling buhayin ang kanilang kabuhayan.”
Saklaw ng programa ang iba’t ibang benepisyo tulad ng tulong pangkabuhayan, mga scholarship, internship sa pamahalaan,TESDA, at referral sa mga kaukulang ahensya para sa mga serbisyong akma sa kanilang kalagayan.
Ang LIFE program ay bunga ng Memorandum of Agreement (MOA) at Data Sharing Agreement (DSA) na nilagdaan ng CHR at DOLE noong Oktubre 20, 2023, bilang bahagi ng pagtugon ng Pilipinas sa mga High-Level Tripartite Mission (HLTM) ng International Labour Organization (ILO) kaugnay ng patuloy na hamon sa karapatan ng mga mangagawa.
Nakapaloob din sa LIFE program ang obligasyon ng CHR na magsumite ng listahan ng mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang rehiyon upang matukoy ang mga kwalipikadong benepisyaryo.
Itinataguyod din ng CHR ang Executive Order No. 23, s. 2023, na naglalayong palakasin ang kalayaan sa pag-oorganisa ng mga manggagawa at tiyakin ang kanilang proteksyon mula sa anumang uri ng panggigipit.