Handa na rin ang pribadong sektor na sumalo ng COVID-19 tests na binitiwan ng Philippine Red Cross dahil sa hindi pa raw bayad na utang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may ilang pribadong laboratoryo ang nagpahayag ng interes na magsagawa ng COVID-19 tests na dating hinahawakan ng PRC.
“Itong private labs na ito nag-signify sila ng interest to help us and we are now coordinating with these laboratories so that we will be able to include them in the zoning na ginawa natin for a temporary para hindi tayo nagkakaroon ng delay sa laboratory.”
Bukod sa 11 government laboratories, pitong testing facility raw ang kausap ngayon ng ahensya para maisapinal ang pag-accommodate nila sa mga indibidwal na dating nagpapa-test sa Red Cross, at binabayaran ng PhilHealth:
1. Biopath Clinical Diagnostics Inc. (Makati, E. Rodriguez, Cebu)
2. Armed Forces Research Institute of Medical Sciences
3. Macacare Medical Inc.
4. First Aide Diagnostic Centre
5. Detoxicare Molecular Diagnostics Laboratory
6. Philippine Airport Diagnostic Laboratory
7. The Lord’s Grace Medical and Industrial Clinic
Kabilang sa mga apektado ng pagtigil ng PRC sa testing ay ang mga symptomatic OFW at returning Filipino’s na required magpa-test pagdating nila dito sa bansa. Pati na yung mga dadating ng Pilipinas mula sa mga estadong may “high prevalence” o mataas ang transmission ng COVID-19.
Ayon sa UP OCTA Research Team, higit 20% ng kabuuang testing capacity ng bansa sa COVID-19 ang katumbas ng testing na hawak ng PRC bago nito ipatigil ang tests na binabayaran ng PhilHealth.
“Talagang malaki ang contribution ng PRC sa daily outputs ng ating mga laboratories, makikita natin na malalaki talaga yung mga laboratoryo nila at kapasidad. And distributed across the different areas in the country.”
Pero paliwanag ni Usec. Vergeire, ginagawan na ng DOH ng paraan ang sitwasyon para hindi tuluyang lumobo ang kanilang backlog habang hinihintay na maareglo ang tensyon sa PhilHealth at PRC.
Ayon sa opisyal, nakapagsimula na ang mga itinalagang government laboratories sa pagproseso ng COVID-19 tests ng mga apektadong populasyon.
Ang private laboratories naman ay inaasahan na susunod na linggo ay makakapagsimula na rin, basta’t matapos yung mga paghahanda sa pagitan nila at ng DOH.
Iniiwasan din daw kasi ng Health department na makasagabal sa kasalukuyang COVID-19 tests na hawak ng mga laboratoryo ang papasok na karagdagang bilang ng mga magpapa-test din sa coronavirus.
“We want it immediately kasi nakikita namin nagkakaroon na ng bottlenecks dito sa pagre-release ng returning OFWs. But we are still coordinating, kailangan may maisaayos na arrangements.”
“We do not like that their operations that are existing right now would be hampered because of these additional load of specimen. Kailangan namin tingnan ilan ba dapat sa mga laboratoryo para hindi maapektuhan yung regular operation.”
Sa ngayon, ang Jose B. Lingad Memorial Hospital sa Pampanga, RITM sa Muntinlupa, Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu at Southern Philippines Medical Center sa Davao daw ang maituturing na malalaking national reference laboratories sa bansa na kayang humawak ng malaking capacity sa COVID-19 tests.
















