Pag-aaralan na rin daw ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na irekomenda ang pagsasara ng mga sementeryo sa buong bansa as Araw ng mga Patay.
Pahayag ito ng DOH matapos magkasundo ang mga alkalde sa Metro Manila na isara sa Undas ang mga himlayan at kolumbaryo sa kanilang mga lugar.
“Maaaring makapag-recommend din tayo so that it can be implemented across country,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Pinuri ng opisyal ang Metro Manila mayors dahil sa maagap na solusyon nila sa inaasahang buhos ng tao na pupunta sa mga sementeryo.
“Actually yung mga ginawa ng mayors, that is really some good practice kasi alam naman natin na kapag Undas talagang yung mga tao siksikan sa mga sementeryo. And that is mass gathering already, and we would like to prevent that.”
Sang-ayon ang Health department sa stratehiya ng mga lokal na pamahalaan na ngayon pa lang ay payagan nang makabisita sa kani-kanilang mahal sa buhay ang mga residente.
Bukod sa Metro Manila, nag-anunsyo na rin si Cebu City Edgardo Labella Jr. ng schedule kung kailan niya ipasasara ang mga sementeryo sa lungsod.