-- Advertisements --

Pinaiiwas muna ng Department of Health (DOH) ang publiko sa mga nakagawiang aktibidad tuwing holiday season tulad ng Christmas caroling dahil sa banta ng COVID-19.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng mga paghahanda sa ilang tradisyon tuwing sasapit ang Pasko at Bagong Taon.

“Let us limit the number of people in social gatherings and activities, preferably to people within the same household. Avoid activities that require travel to areas with higher quarantine classification and keep activities as short as possible,” ani Health Sec. Francisco Duque III.

Ayon sa tagapagsalita ng ahensya, may mga lumabas nang pag-aaral tungkol sa risk o banta ng COVID-19 transmission ng ilang aktibidad na ginagawa ng mga tao.

“May lumabas na pag-aaral na ipinakita na kapag ikaw ay may certain activity how much load of the virus can you transmit. Mayroon diyan yung pagsasalita, paghinga, pag-ubo, pagbahing, pagkanta at pagsasalita ng malakas,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Nakita diyan na yung pagkanta ng malakas, ‘yan yung pinakamataas na porsyento or highest yield of the virus if you’re infected na lalabas.”

Sa ilalim ng Department Circular No. 2020-0355, pinapayuhan ng ahensya ang publiko na iwasan pa rin ang malalaki at matagal na pagtitipon.

Hindi rin muna inirerekomenda ng DOH ang holiday activities sa enclosed spaces o masisikip na lugar, kung saan malabong masunod ang physical distancing protocol.

Pinag-iingat din ng Health department ang magpapamilya sa pagtanggap sa mga kamag-anak na galing sa malalayong lugar.

DOH DC
IMAGE | Risk Assessment Matrix for Activity by DOH/Department Circular No. 2020-0355

“Activities with participants who are travelling from areas of higher quarantine classification may increase the risk of spreading the virus to areas with lower quarantine classification.”

“Sharing of items or exposure to high-touch surfaces may increase your risk.”

Pinaalala ng ahensya ang limitasyon sa bilang ng mga maaaring dumalo sa iba’t-ibang pagtitipon tulad ng Simbang Gabi at iba pang religious gatherings, pati na ang pagpunta sa mga mall.

“Ang mass gathering, yung allowed number of people to congregate is based on the community quarantine level of an area. If you’re in a GCQ you’re only allowed 10 persons to congregate, when you’re in MGCQ, ito 50 (participants),” paliwanag ng Health spokesperson.

“Iyong mga usual activities natin during the holidays tulad ng parties or karaoke increase our risk of contracting COVID. According to a study done by Alsved, et. al., iyong malakas na pagkanta natin increases our viral particle spread by 448% compared to normal talking,” ayon naman kay Duque.

Ayon sa kagawaran, panatilihin ang pagsunod sa minimum health standards, tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, paghuhugas ng kamay, at physical distancing para siguradong malalabanan ang banta ng impeksyon o hawaan.

Sa ngayon pag-uusapan pa raw sa level ng Inter-Agency Task Force kung maglalabas ng panuntunan na dapat sundin ng publiko at mga establisyemento para sa nalalapit na Pasko at Bagong Taon.