Binuweltahan ni Sen. Nancy Binay ang Department of Health (DOH) dahil sa pronouncement na masyadong maaga para sabihin na ang mga COVID-19 infected Chinese tourists, na bumisita sa bansa sa mga naunang buwan ng taon, ang siyang dahilan nang pagkalat ng virus.
Sa isang statement, sinabi ni Binay na dapat ipaliwanag ng DOH kung saan nanggaling at paano nakalusot sa Pilipinas ang COVID-19 kung hindi ito kumbensido na nanggaling ang naturang virus sa mga Chinese tourists.
Dahil sinasabi aniya ng DOH na hindi sapat ang ebidensya na galing sa mga Chinese tourists ang COVID-19, tila inaamin lang din aniya ng mga ito ang kanilang kapalpakan sa contact tracing.
Ito aniya ang dahilan kung bakit sa simula’t sapul ay hindi naagapan ang pagkalat ng COVID-19 sa Pilipinas.
Una rito, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang online press briefing na masyadong maaga pa para masabi kung paano kumalat ang COVID-19 sa bansa.
Ito ay kahit pa base sa pag-aaral ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay lumalabas na ang COVID-19 strain na kumalat sa Pilipinas ay magkaiba sa tatlong Chinese tourists na nauna nang natukoy na meron nito.
Matatandaan na ang tatlong turistang ito ay nanggaling sa Wuhan City, kung saan nagmula ang COVID-19.