-- Advertisements --
image 365

Pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang pagbabalik ng mandatoryong pagsusuot ng facemask sa Metro Manila.

Ayon sa DOH, nananatiling status quo o walang pagbabago sa umiiral na restriksyons sa rehiyon.

Ginawa ng ahensiya ang paglilinaw na ito matapos na kumalat sa nakalipas na araw ang isang online card na nag-aanunsiyo na dapat isuot ang facemask sa lahat ng pagkakataon subalit sinabi ng DOH na mali ang naturang impormasyon.

Una na ring sinabi ng DOH na hindi inirerekomenda ang pagbabalik ng mandatoryong pagsusuot ng face mask sa kabila ng pagtaas ng mga kaso kung saan mula Abril 17 hanggang 23 tumaas sa 32% ang covid-19 positivity rate o porsyento ng nagpopositibo sa virus mula sa mga nasuring indibidwal.

Sa advisory na inilabas ng DOH, patuloy ang pagpapaalala nito sa publiko na maging mapanuri sa mga ipinapakalat na impormasyon at sumangguni dapat mula sa mga reputable sources.

Nilinaw din ng ahensiya na nananatiling nasa ilalim ng Alert level 1 ang buong Metro Manila at patuoy pa rin aniyang tinatalakay ng Inter-agency Task Force ang kasalukuyang alert level system sa Pilipinas.