-- Advertisements --

Naghain na raw ng rekomendasyon ang Department of Health (DOH) sa Office of the President para ma-regulate ang presyo ng COVID-19 swab test.

Nabatid daw kasi ng ahensya na may ilang mga laboratoryo na masyadong mahal ang singil mula sa aktwal na testing cost o presyo ng confirmatory test.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, isang Executive Order mula kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang hiniling dahil sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act o Bayanihan 1, selyado ang presyo para sa testing at, hindi kasali ang professional fee at iba pang charges.

“We will conduct small surveys to determine price range, same as what we do with medicines, and we will consult with experts plus DTI (Department of Trade and Industry) regarding the prices.”

Samantala, kinumpirma rin ni Usec. Vergeire na sa Baguio City gagawin ang pilot testing sa antigen test, na isa ring uri ng rapid test para sa COVID-19.

Ayon sa opisyal, napili nila ang lungsod dahil sa epektibo nitong protocol sa testing at contact tracing.

Nakausap na raw ng Health department si Baguio City Mayor Benjamin Magalong at iba pang medical experts, at sa ngayon ay pag-uusapan na lang nila ang final agreement para sa implementasyon.

Batay sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO), hindi inirerekomenda ang antigen test para sa boarder screening o sa mga indibidwal na tumatawid ng iba’t-ibang lugar. Kwestyonable pa raw kasi sa ngayon ang diagnostic performance nito o kakayahang ma-detect ang level ng virus mula sa katawan ng tao.

Naghain na raw ng proposal ang DOH sa Inter-Agency Task Force ukol sa pangangailangan ng isang pilot testing bago mag-desisyon na gamitin na rin ito bilang alternatibong testing strategy.