Mahigpit ang paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na sundin ang protocols sa ilalim ng “new normal” para maiwasan ang posibilidad ng second wave ng COVID-19.
Sa isang panayam sinabi ni DOH-National Capital Region director Corazon Flores, na mahalaga ang magiging papel ng publiko sa itatakda ng kasalukuyang sitwasyon ng bansa dahil sa pandemic.
Paghahanda rin daw ito sa kung ano ang magiging desisyon ng Inter-Agency Task Force sa pagtatapos ng extended enhanced community quarantine sa May 15.
Paliwanag ni Flores na sa ilalim ng new normal, dapat sundin ng publiko ang social distancing, paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng protective equipment tulad ng face mask, at pagpapalakas ng resistensya.
Batay sa datos ng DOH-NCR, 10 mula sa 17 lungsod sa Metro Manila na raw ang nakitaan ng mabagal ng doubling time ng COVID-19 cases.
Kung maaalala, humiling ang Metro Manila council ng 15-araw na extenstion pa ng ECQ.
Pero ayon sa Department of Interior and Local Government posibleng ilang lugar sa NCR ang isailalim sa general community quarantine.