MANILA – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na bubuksan ng pamahalaan ang isang property ng Nayong Pilipino Foundation sa Paranaque City bilang COVID-19 vaccination site.
Sa isang panayam sinabi ni Vergeire lumagda ng kasunduan sina vaccine czar Sec. Carlito Galvez at Department of Tourism para magkaroon ng mas malaking site sa COVID-19 vaccination ang gobyerno.
“Ang una pong gagamitin na malaking stadium o malaking place ay ang Nayong Pilipino,” ani Vergeire sa interview ng GMA.
Nilalakad na rin daw ng mga opisyal ang pakikipag-usap sa pribadong sektor para makapagbukas pa ng malalaking vaccination sites.
Una nang sinabi ni Sec. Galvez, na magbubukas ng mega vaccination sites ang gobyerno para maabot ang target na 4-milyong Pilipinong mababakunahan sa loob ng isang buwan.
Sa ngayon kasi tinatayang 6,000 indibidwal daw ang nababakunahan sa ilalim ng medium-sized vaccination sites o yung mga hawak ng local government units.
Batay sa huling datos na inilabas ng DOH, aabot na sa higit 1.190-million ang nabakunahan kontra COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay Galvez, may inaasahan pang shipment ng COVID-19 vaccines ngayong buwan mula sa Sinovac ng China, at Gamaleya ng Russia.