-- Advertisements --

Binigyang diin ng Department of Health (DOH) ang paalala nito sa publiko ukol sa mga polisiyang mahalagang sundin para labanan ang COVID-19 pandemic.

Tugon ito ng ahensya matapos ang panibagong banat ng abogadong si Larry Gadon na tinawag na “bobo” ang kagawaran. Inakusahan din nito ang DOH na tinatakot ang publiko sa kanilang mga polisiya.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi na bago ang mga ganitong kritisismo laban sa ahensya. Pero sa kabila nito ay tuloy ang kanilang trabaho.

“Kami, we hear these kinds of things, we continue with our work. Lahat po ng ipinapatupad at ibinibigay ng DOH sa mga tao is based on science and it’s based on evidence.”

Nire-respeto naman daw ng Health department ang sentimyento ng mamamayan, pero apela ng opisyal sa publiko, huwag impluwensyahan ng maling impormasyon at paniniwala ang karamihan nang hindi lumala ang pandemya sa bansa.

“Lahat ng ipinapatupad at ibinibigay ng DOH sa mga tao is based on science and evidence. You can hear the international experts, WHO, CDC about the basis and studies and evidences regarding the use of mask that’s why we are recommending them so that protect people and prevent further infection.”

Nitong Huwebes nang magbitiw ng panibagong banat si Gadon ukol sa paggamit ng face shield at face mask bilang proteksyon.

“Ang DOH bobo! Kalabisan na ‘yung ano eh… Either naka-face shield ka or naka-face mask ka. Hindi ako naniniwala sa DOH. Sa totoo lang, ang COVID curable, sobrang pananakot ang ginawa sa atin ng DOH.”

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring ituring na criminal offense ang hindi pagsusuot ng face mask.