
Nakapagtala ang DOH ng 1,920 bagong kaso ng COVID-19, pinakamataas na arawang COVID-19 tally sa nakalipas na 6 na buwan.
Ang bagong tally ay ang pinakamataas sa loob ng 195 araw o anim na buwan at 13 araw, mula noong Oktubre 21 na nakapagtala ng 1,984 na bagong kaso.
Ito ang ikaapat na sunod na araw ng mahigit 1,000 bagong kaso at ang ikalawang sunod na araw ng mahigit 1,800 bagong kaso.
Batay sa data mula sa COVID-19 tracker ng Department of Health, nagpapakita na ang kabuuang caseload ng bansa ay nasa 4,102,788 na sa kasalukuyan.
Ang mga aktibong kaso ay tumaas ng 1,213 hanggang 11,408, ito ang pinakamataas sa loob ng tatlong buwan at 18 araw, mula noong Enero 16, na mayroong 11,844 aktibong kaso.
Ito ang ikalawang sunod na araw ng mahigit 10,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 at ang ikapitong araw naman ng pagtaas ng aktibong kaso.
Kung matatandaan, noong nakalipas na linggo tinanggal na ng World Health Organization ang COVID-19 bilang public health emergency of international concer ngunit sa kabila nito, nagbabala pa rin ang ahensiya na ang virus ay nananatili pa rin.
Sinabi naman ng DOH na magpupulong ito upang suriin ang mga health guidelines kasunod ng anunsyo ng WHO.