-- Advertisements --

Inamin ng Department of Health (DOH) na may mga kausap na ang pamahalaan mula sa pribadong sektor kaugnay ng cold storage ng COVID-19 vaccines.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ilang private companies na ang nakipagusap kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez matapos magpahayag ng interes na tumulong sa storage ng mga bakuna.

“Mayroon ng mga nakakausap na private sector na mayroong interes para tumulong sa gobyerno para magkaroon tayo ng mga needed logistical requirements for this specific vaccines tulad ng ultra-low freezers.”

Paliwanag ng opisyal, naka-depende pa rin sa uri ng bakunang bibilhin ng Pilipinas ang storage facility na ilalaan ng pamahalaan.

May ilang bakuna raw kasi na hindi naman kailangan ng mababang temperatura para mapanatili ang pagiging epektibo sa tao.

“Pero kailangan natin tandaan na it will all depend on what type of vaccines we are going to procure.”

“Kapag tiningnan natin yung scope of vaccines ngayon that will be available in the market, mayroon lang dalawa pa lang sa tinatalang mga bakunang nabanggit that will require this ultra-low freezer.”

Sa kabila ng hindi pa tiyak na petsa ng pagdating ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas, handa naman daw ang pamahalaan sa kung anong mga kakailanganin para sa bakuna laban sa coronavirus.