-- Advertisements --
image 343

Nag-abiso ang Department of Health (DOH) sa publiko na maghanda para sa posibleng epekto ng super typhoon Mawar na inaasahang papasok ngayong weekend sa bansa.

Sa inisyung advisory ng DOH, inihayag nito na bagamat sa kasalukuyan walang direktang epekto sa ating bansa ang naturang bagyo, nagsasagawa ng vigilant monitoring ang Health Emergency Management Bureau-Operation Center.

Bilang paghahanda aniya habang papalapit ang bagyo sa bansa, inaabisuhan ng DOH ang publiko na maghanda at i-report ang anumang untoward incident na may kinalaman sa weather disturbance.

Hinihimok din ang publiko na obserbahan ang mga sumusunod.

Una dapat na unawain ang mga sinyales ng emergency sa pamamagitan ng panonood, pakikinig sa weather updates at unawain, makinig at sundin ang early waning systems sa komunidad.

Ikalawa, ihanda ang inyong bahay sa maaaring pananalasa ng bagyo sa pamamagitan ng pag-inspeksiyon para sa kinakailangang kumpunihin, i-full charge ang lahat ng electronic gadgets at emergency batteries, ihanda ang inyong bahay sa posibeng pagbaha, ilagay sa mataas na lugar ang inyong furniture at appliances, isara ang mga bintana, pintuan at i-turn off ang elecrtical main switch at ilagay din sa mataas na lugar ang mahahalagang dokumento upang maprotektahan mula sa baha.

Ikatlo, maghanda para sa paglikas. Dapat na alamin ang mahalagang emergency contact numbers para sa posibleng paglikas, bigyan ang bawat miyembro ng pamilya ng whistle, magplano para sa paglikas sa mas ligtas na lugar at alamin ang mga lugar na mayroong muti-story building at makipag-ugnayan sa pamilya o kaibigan na naninirahan sa mas mataas na lugar para sa evacuation sakaling magkaroon ng baha.

Panghuli ay dapat na may nakahandang emergency go bag o e-balde. Dapat na may nakahandang pagkain, tools, damit , first aid kit, sleeping bags, flashlight, batteries, covd-19 protection kit at iba pang kailangan, dapat ding tiyakin na mayroong sapat na suplay ng pagkain at malinis na tubig para sa buong pamilya na magtatagal ng tatlong araw, magdala na rin ng maliit na halaga ng pera at tiyakin na madaling ma-access ng lahat ang emergency go bag.