Hindi raw muna inirerekomenda ng Department of Health (DOH) ang pagvi-videoke ngayong papalapit na holiday season dahil sa banta ng COVID-19.
“Ang DOH, because we base or recommendation on science and evidences, hindi muna natin maire-rekomenda na itong videoke ay mabuksan natin,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa Laging Handa public briefing.
Paliwanag ng opisyal, may lumabas na pag-aaral hinggil sa dami o load ng coronavirus na maaaring maipasa ng isang infected ng tao sa kapwa. Nakasaad daw dito na pinakamataas na load ng SARS-CoV-2 virus ang posibleng napapasa tuwing may kumakanta.
“Dito pinakita na kapag ikaw ay nagsasalita, humihingi, o umuubo. At nakita dito na kapag ikaw ay kumakanta, dito ang pinakamataas ang load ng virus na pwede mong ma-transmit.”
Nilinaw naman ng DOH spokesperson na limitado lang sa malalaking pagtitipon na ginaganap sa pampublikong lugar o labas ng bahay ang pagbabawal nila sa videoke.
Batid daw ng ahensya ang pagka-hilig ng mga Pilipino sa pagkanta at pagvi-videoke pero mas mabuti umano na mag-ingat na lang muna para makaiwas sa banta ng COVID-19.
“Syempre sa mga pami-pamilya na hindi naman lumalabas pwede natin payagan.”
Sa ilalim ng inilabas na Department Circular No. 2020-0355 ng ahensya, nakasaad na may risk o banta ng pagkahawa sa COVID-19 ang sharing o hiraman ng mga gamit, at mga aktibidad ng maraming tao sa masisikip na lugar o espasyo.