Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko hinggil sa posibleng banta na dulot sa mga bumibili ng fog machines at air purifiers bilang disinfectant laban sa COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, maaaring “mag-aerosolize” o humalo sa hangin ang virus sa pamamagitan ng mga ibinubuga o ini-spray na disinfection.
“It can cause harm, also aersolization of the virus, which means the virus can stay longer in the air if we use this kinds of technologies. Itong misting and fogging.”
Ipinaalala ni opisyal ang guidelines sa ilalim ng DOH memorandum na nagbabawal sa spraying at misting bilang paraan ng disinfection. Malinaw din umano ang payo ng World Health Organization na hindi sang-ayon sa naturang istilo ng pagdi-disinfect.
“Kahit pa noong start pa lang ng response. The DOH has issued an advisory and also this was backed by science and WHO. Sinabi nila (WHO) na the routine application of disinfectants to environmental surfaces by spraying or fogging in indoors spaces, also known as fumigation or misting is not recommended for COVID-19.”
Samantala, wala naman daw nakikitang mali ang kagawaran sa paggamit ng mga air purification necklace o kwintas na may kakayahan umanong mag-disinfect.
Sinabi ni Vergeire na maituturing namang ligtas ang paggamit nito basta’t walang lumalabas na usok, na maaaring magdulot ng aerosolization ng virus.
“I have observed. Tinitingnan ko yung mga ka-meeting ko na nagsusuot nito, wala naman akong nakikitang lumalabas na usok or anything. (Kung) wala namang mist na binibigay yung ganitong technology, I think it is not going to cause harm.”
Binigyang diin ng Health spokesperson na pinaka-epeketibo pa ring panlaban sa banta ng COVID-19 infection ang pagsunod sa minimum health standards.