-- Advertisements --

MANILA – Binigyang diin ng Department of Health (DOH) na delikado ang paggamit ng mga gamot na hindi naman rehistrado.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng pagmamatigas ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor sa pamamahagi ng libreng ivermectin drug.

“Gusto natin bigyan ng babala ang ating mga kababayan ang mga unregistered drugs po ay hindi masisiguro ng ating gobyerno na ito ay ligtas at maproprotektahan sila dito sa sakit na sinasabi natin na paggagamitan nito,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa interview ng DZBB.

Naniniwala ang kongresista na ligtas at posibleng epektibo laban sa COVID-19 ang ivermectin dahil siya mismo ay gumamit daw nito noong siya ay tinamaan ng coronavirus.

Gayunpaman, sinabi ng World Health Organization at European Medicines Agency na wala pang sapat na ebidensya para masabing may bisa laban sa COVID-19 ang nasabing gamot.

“We recommend not to use ivermectin in patients with COVID-19 except in the context of a clinical trial,” ayon sa WHO.

Ayon kay Vergeire, mapanganib ang “false sense of security” na posibleng kapitan ng mga Pilipino sa paggamit ng ivermectin.

Iniimbestigahan na raw ng Food and Drug Administration (FDA) ang posibleng parusa ni Defensor.

May panibagong review na rin daw na ginagawa ang panel ng local experts matapos magpulong ang mga ahensya at proponent ng ivermectin noong nakaraang linggo.

Ang ivermectin ay orihinal na dinisensyo bilang pampurga sa mga alagang hayop.

Una nang sinabi ng FDA na tanging topical cream o pamahid sa balat ang rehistradong ivermectin sa Pilipinas na para sa tao. Ang mga rehistrado lang na tableta o gamot ay para sa mga hayop.