-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa mga local government units at health facilities matapos magkalat ang ilang medical waste sa bahagi ng EDSA-Whiteplains, Quezon City nitong umaga.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may pananagutan ang lokal na pamahalaan ang pasilidad na pinagkuhanan ng mga PPE, gloves at face mask kapag napatunayan na nagkulang ang mga ito sa koordinasyon ng pagtatapon ng medical waste.

“May patakaran tayo, protocols, we have issued these protocols, and even before this pandemic mayroon na talaga tayong tinatawag na healthcare waste management.”

Bukod sa mga gamit sa ospital, ilang uri pa ng mga basura ang nagkalat sa naturang bahagi ng EDSA tulad ng mga diaper, bote ng tubig, mga plastic cup at tissue.

Paliwanag ni Vergeire dapat coordinated sa DENR at may schedule ang pick-up at pagtatapon sa designated dump site ng healthcare wastes.

“Kapag ka healthcare waste ang pinag-uusapan, mayroon tayong sariling araw ng pagkukuha, kahit regular dump truck yan, mayroong sariling araw na kinukuha ang healthcare waste na yan, tapos mayroon itong sariling pinagtatapunan.”

“Itong mga mask at kung ano-ano pang healthcare waste na nakakalat sa daan, pag pinulot yan ng ating garbage collectors and they’re not wearing their gloves, maaari silang mahawa kapag hinawakan nila yung mukha nila or even when they’re wearing their gloves kapag na-miss out nila at nakahawak sila sa kanilang mukha, mahahawa sila.”

Maaari raw kasing makahawa ng tao ang posibleng virus na nasa mga basura, lalo na’t may ebidensya na nabubuhay sa fomites o mga bagay na nahahawakan ng tao ang SARS-CoV-2 o ang virus na nagdudulot ng COVID-19.

Bukod sa mga healthcare facilities, hinimok din ng DOH ang publiko sa kani-kanilang bahay na i-segregate o ihiwalay ang mga basura mula sa medical waste na kanila ring ginagamit tulad ng face mask.

Ang MMDA, nangako na susuriin ang kuha ng CCTV sa bahagi ng People Power Monument para sa posibilidad na makita kung sino ang nagtapon ng mga basura.

Pinaiimbestigahan na rin ng Joint Task Force COVID Shield ang insidente.

Kung maaalala, pinagusapan din kamakailan ang nagkalat na mga face mask sa Trabajo Market sa Maynila na nakitang nalaglag mula sa kariton ng isang basurero. Pinatawan ng parusa ang may-ari ng pasilidad na pinanggalingan ng medical waste.