Hindi natinag ng nagdaang typhoon Quinta ang paglakad ng immunization program ng Department of Health (DOH) laban sa tigdas at polio.

Nitong Lunes nang umarangkada ang Measles, Rubella and Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR-OPV SIA) ng ahensya sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Cordillera, MIMAROPA at Bicol.

Nakatanggap din ng bakuna kontra measles ang mga rehiyon sa Mindanao.

Batay sa report ng DOH, nasa 231,996 o 5% ng mga batang may edad 9 to 59-months old ang nabigyan ng measles-rubella vaccine.

Aabot naman sa 35,927 o 2% ng mga batang may edad 0 t 59 months old ang nabigyan ng polio vaccine.

Tatagal hanggang November 25 ang implementasyon ng programa. Hanggang sa ngayon kasi ay may iba pang lokal na pamahalaan ang hindi makapag-rolyo ng immunization activity dahil sa iniwang epekto ng bagyo.

Sa kabila nito hinimok ni Health Sec. Francisco Duque ang lahat ng implementing units na magpakatatag para maabot ang target sa gitna ng iba’t-ibang pagsubok at sitwaysyon.

“In our fight against these vaccine-preventable diseases, we need to ensure that NO child is left behind unvaccinated. We have a month to implement a quality immunization activity and I encourage our health workers and vaccination teams to exert all effort and protect our children from these highly transmissible and infectious diseases,” ani Duque.

Tiniyak ng Health department na nasunod ang mga infection prevention and control measures nang magsimulang lumakad ang pagbabakuna sa mga bata kontra tigdas at polio.

Sa February ng 2021 pa naka-schedule ang Phase 2 ng programa sa iba pang bahagi ng bansa.