-- Advertisements --

Pansamantala na namang in-adjust ng Department of Health (DOH) ang panuntunan nito sa pagre-report ng COVID-19 cases dahil sa mababang bilang na naitala ngayong araw, July 3.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, 58 o 81-percent lang ng 72 lisensyadong testing laboratories sa bansa ang nakapag-pasa ng line lists ngayong araw.

“Mababa po ang bilang ng reported cases natin na ito maaaring dahil po nag-adjust po tayo ng oras kung kailan natin ine-extract galing sa DOH Epidemiology Bureau ang datos mula po sa COVIDKAYA system,” ani Vergeire.

“Mula po sa dati na 24 hours ay 19 hours’ worth of data lamang ang mga numero natin ngayon… upang mabigyan ang ating Epidemiology Bureau ng mas mahabang oras na gumawa ng in-depth analysis sa mga datos na inilalabas po natin,” dagdag pa ng opisyal.

Nitong araw, 294 na mga bagong kaso lang ng COVID-19 ang inireport ng DOH sa kanilang regular virtual presser. Mababa ito mula sa higit 500 total new cases na inuulat ng tanggapan sa nakalipas na mga linggo.

Nahahati ang new cases na naitala sa 242 “late” at 52 “fresh” cases — ang pinakamababang naitala mula May 29.

Walang sinabi si Vergeire kung hanggang kailan ipapatupad ang bagong adjustment sa data extraction.

Kung maaalala, mula nang pumasok ang Hunyo ay binago rin ng DOH ang istilo ng reporting sa mga bagong kaso ng COVID-19 na hinati sa “fresh” at “late” cases.