-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na magpapatuloy ang reporting nila sa mga “fresh” at “late” cases ng COVID-19 hangga’t hindi nauubos ang backlog sa testing at submission ng data mula sa mga laboratoryo.

Tugon ito ng ahensya matapos kwestyunin ng Office of the Ombudsman ang nakakalito at delayed umanong reporting ng Health department sa mga bagong tinamaan ng pandemic virus sa bansa.

Sa isang panayam nilinaw ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na nananatiling “evolving” ang sitwasyon ng COVID-19 sa Pilipinas.

Ang pangongolekta naman ng mga datos ay nagsisimula raw sa mga local government units at dumadaan sa validation bago naire-report ng DOH.

Simula noong huling linggo ng Mayo, binago ng ahensya ang reporting sa mga bagong kaso ng COVID-19.

Hinati ito sa classification ng “fresh cases” o mga test results na lumabas sa mga laboratoryo at na-validate ng DOH sa nakalipas na tatlong araw.

Ang “late cases” naman ay test results na nilabas ng laboratoryo sa nakalipas na apat na araw o higit pa, pero ngayon lang na-validate ng Health department.

Layunin daw ng pagbabagong ito sa reporting na magbigay ng transparency sa timeline ng nakukuhang data.

Una nang sinabi ng DOH na agad nilang ibabalik sa dating istilo ang pag-uulat ng datos kapag naubos na ang backlog ng “late cases.”

Sa ngayon may higit 27,000 nang total ng COVID-19 cases sa bansa.