-- Advertisements --

Nag-abiso ang Department of Health (DOH) sa publiko hinggil sa posibilidad na dumami pa ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na maitatala sa mga susunod na araw.

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, ito’y bunsod nang ilang factors na itinuturing na improvement sa araw-araw na reporting ng mga bagong kaso ng sakit.

Isa na raw dito ang inilunsad kamakailan na COVIDKAYA application, na nagpabilis sa verification process ng confirmed cases sa mga health care workers na humahawak ng testing.

Asahan umano ang posibleng pagtaas pa ng mga bagong kaso dahil sa patuloy din na paghahabol ng ahensya sa mga backlog, gayundin ang tuloy-tuloy na test sa buong bansa.

Simula noong Martes ay sumampa muli sa higit 300 ang mga bagong kaso ng COVID-19, at kahapon, May 28, ay nakapagtala pa ang ahensya ng record high na 539 na mga bagong tinamaan ng sakit.

Mula raw sa total na 15,588 na mga kaso ng COVID-19 sa bansa, 90-percent ang mild cases, 7.3-percent naman ang asymptomatic, at mababa sa 2-percent ang severe at critical cases.

Sa usapin namang health system capacity, sapat pa naman daw ang mga pasilidad at kagamitan ng bansa para sa COVID-19. Katunayan may higit 60-percent pang reserba sa kapasidad ng mga mechanical ventilators, ICU at isolation beds.