Nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) matapos hindi aprubahan ang inisyatibo ng lokal na pamahalaan ng Marikina na gawing operational ang itinayong COVID-19 laboratory testing facility.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque, bagamat suportado nila ang ginawang hakbang ng tanggapan ni Mayor Marcelino Teodoro ay hindi ito pumasa sa ilang mahalagang requirements.
“Hindi naaprubahan ang laboratoryo dahil hindi pumasa sa standards on space and biosafety. Nasa 6th floor ang kanilang laboratoryo kaya iminumungkahi ng DOH na gamitin ang (laboratoryo ng) Amang Rodriguez Memorial Medical Center or mag-set up sa ibang lokasyon.”
“Pwede itong modular o pre-fab infrastructure lamang. Tutulungan sila ng RITM kung paano magpatayo ng isang facility na nakasunod sa guidelines ng biosafety.”
Una ng nanawagan si Mayor Teodoro na aprubahan ng DOH ang kanilang laboratoryo dahil hindi lang daw mga taga-Marikina ang maaaring makinabang doon.
“DOH should not treat Marikina as a client applying for a license to operate a laboratory like this, kundi it should be a partnership. This is a whole of government approach kung saan nagtutulong-tulong ang lokal at national. Kung ano ang kakulangan sa national ay pinupunan ng mga lokal na pamahalaan,” ani Teodoro.
“We should make this test kits commercially available for all. We should be able to ensure that testing is ‘democratize,’ open access sa lahat ng Pilipino, lalo dun sa mga mahihirap na hindi kayang magpatingin sa mga pribadong ospital,” dagdag ng alkalde.
Samantala, nilinaw ni Sec. Duque na nasa gitna pa rin ng field validation ang dinevelop na test kits ng UP-National Institute of Health.