-- Advertisements --
DOH DR.TAYAG ENRIQUE
IMAGE | Dr. Eric Tayag/DOH file photo

Nakatakdang maglunsad ang Department of Health (DOH) ng National Health Data Repository, na isang centralized database na maglalaman ng medical records at iba pang health-related information ng mga Pilipino.

Ayon kay Dr. Eric Tayag, ang direktor ng DOH Knowledge Management and Information Technology Service, alinsunod sa probisyon ng Universal Healthcare Act ang pagkakaroon ng database para mas madali ang palitan ng mga impormasyon sa pagitan ng mga pasyente at health facilities.

Sa ilalim nito, inaatasan ang mga ospital at iba pang health facilities na ipadala sa DOH at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga makakalap nilang record at datos ng mga pasyente.

“Under the Universal Health Care Act, lahat po, public and private sector, pati iyong nagkakalap ang research, dapat i-report ang data sa PhilHealth at DOH,” ani Dr. Tayag.

Hindi naman daw lahat ng impormasyon ng isang pasyente ay kailangang ipasa sa mga Health agencies, pero kung kakailangan daw ng mga doktor, ay may sistema rin na aalalay sa pagkalap nila ng datos mula sa mga ospital at health facilities.

“Ang kukunin lamang ay iyong importanteng impomasyon na mapapakinabangan ng buong bansa, para maunawaan natin ano na ang nangyayari sa kalusugan ng mga Pilipino.”

“Kung one to 10 ang hinihingi sa inyong data sa ospital, sa amin, one to five lang. Lahat ng record na ‘yan, mananatili sa mga ospital at kung kakailanganin ng ibang doktor, hindi na sila mahihirapan maghagilap.”

Tiniyak ni Tayag na katuwang ng ahensya ang Department of Information and Communications Technology at National Privacy Commission sa pagpapatupad ng bagong programa para masiguro rin ang kaligtasan ng impormasyon ng bawat Pilipino.

Bukod sa mga impormasyon manggagaling sa mga pasyente, kasali rin sa datos na malalagay sa data repository ang mula sa Department of Social Welfare and Development at Philippine Statistics Authority.

“Kung magkakaroon tayo ng National Health Data Repository, sa isang pindot lang malalaman niyo na kaagad kung sino, mamimili na kayo ng doktor niyo. Tapos magugulat na lang kayo mayroon na kayong appointment.”