MANILA – Magbubukas ng registration booths sa mga COVID-19 vaccination sites ang Department of Health (DOH).
Ito ang sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire kasunod ng idinulot na kalituhan ng anunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ukol sa pagiging requirement ng PIN bago magpabakuna.
“Kung wala kayong PhilHealth ID number (PIN), go to the vaccination sites, we will have on site registration booths from PhilHealth so that they can register these people na walang PIN,” ani Vergeire sa isang press briefing.
Binigyang diin ng opisyal na hindi kailangan mag-presenta ng PIN kapag may magpapabakunang indibidwal.
“Hindi batayan ang PhilHealth number para kayo ay magpabakuna… hindi porke wala kayong PIN ay hindi na kayo pwedeng mabakunahan.”
Sa kabila nito hinihikayat pa rin ni Vergeire na magpa-rehistro sa itatalagang registration booths ang mga hindi pa miyembro ng PhilHealth.
Kakailanganin daw kasi ang PIN sakaling magkaroon ng adverse events following immunization (AEFI) o side effect ang isang makakatanggap ng COVID-19 vaccine.
“Mayroon kasi tayong packages for AEFI na covered ng PhilHealth, and they only way they can provide these benefits would be for them to track who are these PhilHealth members na pumapasok sa bakunahan natin.”
Nilinaw ni PhilHealth president at chief executive officer Dante Gierran na hindi limitado sa PIN ang “unique identifier” na kailangan ipakita ng isang magpapabakuna.
“Ayon doon sa Interim Omnibus Guidelines for the Implementation of National Vaccine Deployment Plan for COVID-19, pwede naman ang PRC license, driver’s license, PhilHealth ID, passport. Birth certificate ay pwede rin iyon, at barangay certificate.”
“PIN number ng PhilHealth is one of those requirement na ano, pero it’s not everything.”
Batay sa datos ng DOH, as of March 27, mayroon ng 656,331 na nabakunahan ng first dose laban sa COVID-19. Higit 400 naman na raw ang naturukan ng ikalawang dose ayon kay Vergeire.