MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na sesentro lang sa cold chain storage at logistics ang magiging papel ng militar kapag nagsimula na ang distribusyon ng COVID-19 vaccine sa bansa.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng mga negosasyon ng pamahalaan sa vaccine developers para magkaroon ng supply ang Pilipinas sa susunod na taon.

“Nagmeeting kaming lahat ng cluster for vaccine, mineet ni Sec. Galvez yung lahat ng TGs (technical groups). Yung sa military, nag-present sila ng mga mapa, mayroon din silang cold storage na mga existing na current 2 to 8 degrees that we can use,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Magagamit din natin sila kapag kailangan natin ng extra hand, ng maramihang tao na we can train to do the logistical part, warehousing, and all because they have resources for this ganito.”

Bukod sa mga pasilidad, nag-presenta rin daw ang hanay ng militar na i-deploy ang kanilang human resources for health para tumulong sa magiging distribusyon ng bakuna.

“Also they had mapped out their healthcare workers na pwede nating magamit din during the deployment.”

Ayon sa mga eksperto, mahalaga ang cold chain storage para matiyak na mananatiling epektibo ang mga bakuna hanggang maiturok sa mga tao.

Magugunitang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang vaccine czar ang si retired Brigadier General at former Armed Forces of the Philippines chief Carlito Galvez Jr.