Aminado ang Department of Health (DOH) na may mga kailangan pa rin paigtingin sa isinasagawang contact tracing at testing strategy ng gobyerno kaugnay ng COVID-19 pandemic.
Pahayag ito ng ahensya matapos pumasok sa ika-20 pwesto ang Pilipinas ng mga bansa sa buong mundo na may pinakamaraming kaso ng coronavirus disease.
“When we say we have improved, hindi natin sasabihin na wala na tayong space for us to further improve. Marami pa rin tayong space for us to further improve. Marami pa rin tayong kakulangan kung titingnan natin,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ayon sa opisyal, mas mabuti talaga kung matutunton ng local government units ang lahat ng close contacts ng kanilang confirmed cases.
Kakambal nito ang agarang testing at isolation ng mga mapapatunayang nakasalamuha ng mga kumpirmadong kaso ng sakit.
Ang Baguio City, na naging modelo sa contact tracing ay matagumpay daw na nate-trace ang 37 contacts ng isang COVID-19 patient. Pero sa ibang lugar, lima hanggang 10 close contacts lang umano ang natutunton ng mga LGUs.
“Sa Baguio… its just their minimum na nako-contact trace. Hindi naman natin sinasabi na lahat ng LGUs (dapat) 37. Pero ang sa atin as much as yung mga first level na contacts ay ma-trace ng ating LGUs.”
“Yung period of tracing contacts, kailangan wala tayong gaps diyan. The first 24 hours is critical for us to identify these contacts and eventually isolate them.”
Pagdating naman sa testing, nais daw sana ng Health department na maiwasan na ang pagkakaroon ng backlogs o pagkaantala na proseso sa mga laboratoryo.
Target din ng ahensya na mapabilis pa ang turnaround time o paglalabas ng resulta ng COVID-19 confirmatory tests.
“Naga-average tayo ngayon ng 48 hours, so maganda na ang ipinapakita, but gusto pa natin ma-expand, makahanap ng ibang methodologies for testing na mas mabilis ang turnaround time para nakakapagbigay tayo ng mas better management kasi mabilis lang ang paglabas ng resulta.”
Sa ngayon, mas mababa na raw sa 1,000 ang backlogs ng higit 100 laboratoryo na nagsasagawa ng COVID-19 tests.