-- Advertisements --

Isinusulong ngayon ng Department of Health (DOH) ang total ban sa paggamit ng vape o e-cigarettes dahil sa banta nito sa kalusugan ng publiko.

Ayon kay OIC-Director III ng DOH Health Promotion Bureau Dr. Dominic Maddumba, layunin ng panukala na tuluyang ipagbawal ang paggamit ng vape upang maiwasan ang masamang epekto nito sa katawan.

Gayunpaman, kung hindi umano maisasakatuparan ang total ban, iminungkahi ng DOH na magpatupad na lamang ng mas mahigpit na regulasyon, kabilang ang pagtanggal ng iba’t ibang flavor ng vape products.

Paliwanag ni Dr. Maddumba, ang mga flavored vape kasi ay nakakaengganyo lalo na sa kabataan, kaya’t mas mainam na gawing katulad na lamang ito ng karaniwang tobacco products.

Nauna nang nagbabala ang DOH na ang paggamit ng vape at iba pang produktong tabako ay maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit tulad ng cardiovascular disease, cancer, at mga problema sa baga.

Patuloy na pinag-aaralan ng ahensya ang mga hakbang upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko, lalo na ng kabataan, laban sa panganib ng paninigarilyo at vaping.