Walang legal na pananagutan ang TV host at aktres na si Mariel Rodriguez sa paggamit nito ng hindi awtorisadong glutathione injectable sa loob ng Senado ayon sa Department of Health (DOH).
Una na kasing umani ng samu’t saring reaksiyon ang pagpapa-inject ng IV drip ng aktres habang nasa loob ng opisina ng kaniyang asawa na si Sen. Robin Padilla sa Senado.
Paliwanag ni Health Sec. Ted Herbosa na mayroon lamang liabiility kapag may duot itong panganib. Nangangahulugan na maaaring idemanda ng pasyente ang doktor na nag-prescribe sa kaniya ng naturang drug bilang “off label” use.
Ginawa ng DOH chief ang naturang pahayag kasunod ng naging pahayag ni Senator Nancy Binay na idineklara ng Department of Health na hindi ligtas at hindi aprubado ng Food and Drug Administration ang pagtuturok ng Gluta Drip o Intravenous glutathione bilang pampaputi ng balat.
Ang pahayag ng DOH noong Enero ay kasunod na rin ng pagkasawi ng isang 39 anyos na babae ilang oras lamang matapos magpaturok ng glutathione at stem cell therapy sa pamamagitan ng IV drip.
Matatandaan din na sa isang press conference ay sinabi ng DOH na maaaring magkaroon ng side effects ang pagpapa-gluta drip sa atay, bato, at nervous system.