Nangangalap na ng mga karagdagang impormasyon ang Department of Health (DOH) kaugnay sa napaulat na outbreak ng respiratory illnesses at cluster ng pneumonia sa mga bata sa China.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, kanilang babantayan ang development sa naturang sakit na kasalukuyan na ring minomonitor ng World Health Organization (WHO).
Paliwanag pa ng DOH official, posibleng common colds o flu lamang ito at umaasang hindi ito panibago nanaman at umuusbong na nakakahawang sakit.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na ang DOH sa pamamagitan ng Epidemiology Bureau sa International Health Regulations National Focal Point of China para humingi ng karagdagang impormasyon kaugnay sa nasabing sakit.
Sa kasalukuyan din dito sa PH, ang mga influenza-like illnesses (ILI) ay nasa uptrend subalit mabagal ang pagtaas ng mga kaso. Kayat para mapigilan ang padami pa ng kaso, hinihikayat ng kagawaran ang publiko na ugaliin ang pagsasagawa ng cough etiquette, pagsusuot ng face mask, magpabakuna, manatili na lamang muna sa bahay o mag-isolate kapag mayroong sakit at kumonsulta kapag kinakailangan.