Iginiit ng Department of Health (DOH) na panahon na para baguhin at i-update ang mga plano sa disaster response, partikular sa sektor ng kalusugan, bilang paghahanda sa posibleng pagtama ng magnitude 7.2 na lindol na maaaring magdulot ng pag-galaw ng West Valley Fault.
Ayon kay DOH Secretary Teodoro “Ted” Herbosa, luma na ang kasalukuyang plano na ginawa pa noong 2012, batay sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2003. Giit niya, maraming ospital at imprastruktura sa Metro Manila ang nagbago na, kaya’t dapat repasuhin ang mga ito.
Panawagan din ng kalihim na i-retrofit ang mga lumang gusali at tiyaking earthquake-resilient ang mga bago.
Dagdag pa niya, tututukan din ang “soft preparations” tulad ng training, protocols, at logistics. Inihayag din ng kalihim na ang Region 3 (Central Luzon) ang pangunahing tutulong sa Metro Manila kung mangyari ang sakuna.
Kaugnay nito, muling magsasagawa ang Pilipinas at Japan ng panibagong pag-aaral tungkol sa epekto ng “The Big One” sa susunod na dalawang taon.