Nilinaw ng Department of Health (DOH) na mananatili ang “skeleton force” ng mga ospital at iba pang health facilities sa darating na Pasko at Bagong Taon, lalo na’t may banta pa rin ng COVID-19.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, hangga’t maaari ay nais nilang bukas ang mga pagamutan at testing laboratories sa papalapit na year-end holiday.
“As much as possible we would like these labs to be operational. During Christmas and New Year, might as well make sure that there is a skeletal workforce to ensure that operation continues. You don’t know the time when testing is required so that’s pretty much our position,” pahayag ng kalihim.
“Lagi namang may skeletal workforce kapag special holidays.”
Hinimok ng Health secretary ang publiko na hangga’t maaari ay obserbahan ang minimum health standards at iba pang paalala sa pagdiriwang ng holiday ngayong panahon ng pandemya.
Sa nakalipas na mga linggo, nakita raw ng Health department ang patuloy na pagbaba ng trend ng coronavirus infections sa bansa. Resulta raw ito ng pinalakas na health systems capacity at pagsunod ng publiko sa health protocols.
“Kaakibat ng pakikipag-ugnayan ng gobyerno, pribadong sektor at iba pang mga grupo, ang ating COVID-19 response ay mas matatag at matibay na ngayon kumpara noong nagsisimula pa lang tayong harapin ang virus na ito.”
Naka-alerto raw ang buong kagawaran sa papalit na Pasko dahil sa posibleng pag-sirit ng COVID-19 cases bago matapos ang taon. Sinimulan na ng DOH ang pag-iikot sa ilang komunidad at pampublikong establisyemento para paalalahan ang mga tao na sumunod sa mga paalala.
“Pinapaalalahanan lang lahat na mag-ingat para wala tayong masyadong kaso at mas matiwasay ang ating pagdiriwang.”
Sa huling tala ng DOH, umabot na sa 444,164 ang total ng COVID-19 cases sa bansa.