-- Advertisements --

Hiniling ngayon ng Department of Health (DoH) ang publiko na mahigpit pa ring sundin ang health protocols laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) para maprotektahan ang kanilang mga sarili sa monkeypox virus kapag nakapasok ito sa bansa.

Kasunod nito, muli namang nag-isyu ang DoH ng public health advisory kaugnay ng monkeypox matapos ideklara ng World Health Organization (WHO) kahapon ang “public health emergency of international concern” ang naturang sakit.

Ayon sa DoH, kagaya raw ng pagsunod sa minimum public health standards for COVID-19, puwede rin ito para mapigila nang pagkalat ng monkeypox virus.

Kabilang na rito ang pagsusuot ng best-fitted mask, pagsiguro nang magandang airflow, panatilihing malinis ang mga kamay at ang pag-obserba sa physical distancing.

Maliban dito, sinabi rin ng ahensiya na ang smallpox vaccine ay napatunayang “85 percent effective” sa pagpigil sa monkeypox.

Sa isang statement on Sunday, naghahanda na raw ang DoH para sa kanilang monkeypox response kasama ang kanilang partners kasunod nang pagtaas ng kaso ng virus sa ilang bansa noong Mayo 2022.

Kaya naman noong buwan ng Hunyo ay mayroon nang inilagay na real time polymerase chain reaction (PCR) sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para ma-detect ang posibleng monkeypox virus cases sa bansa.

Maliban naman sa paglalabas ng interim technical guidelines para sa pagpapatupad ng monkeypox surveillance, screening, management at infection control, sinabi rin ng DoH na nagsagawa ang mga ito ng online town halls at meetings kasama ang mga health care workers, DoH regional offices at local health officials.

Samantala, sinabi nman ni DoH Officer-in-Charge Dr. Maria Rosario Vergeire na hindi pa raw nakakapasok sa bansa ang naturang virus.

Ito ay dahil wala pang nade-detect na monkeypox sa bansa.