-- Advertisements --

Dahan-dahan umano ang dapat na pagtanggal ng mga restrictions sa mga public transportation.

Ito ang naging pahayag ni Department of Health Secretary Francisco Duque III sa inimumungkahing 100% seating capacity sa mga pampublikong transportasyon ng Department of Transportation (DOTr) sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Una rito ay inihahanda na ng Department of Transportation ang implementasyon ng 70% operational capacity sa mga public transportation simula sa Nobyembre 4.

Depensa ni Duque, bagama’t unti-unti nang bumababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa nasa ay hindi dapat agad na makampante ang mga mamamayan at mga kinauukulan sa panganib na dulot ng virus.

Ani Duque, hindi simpleng usapin ang pagpapatupad ng 100% seating capacity dahil mahirap tukuyin kung saan nagmula ang nangyaring hawaan sa mga public transportation at maaari itong pagmulan muli ng super spreader ng virus.

Dagdag pa niya, sapat na ang 50% o 70% na capacity ng mga public transport basta’t palaging magsuot ng facemask at faceshield ang mga pasahero dahil malaking tulong proteksyon ito laban sa virus.

Sa kabila nito ay iginiit ng DOTr na hindi dapat ikabahala ng publiko ang nasabing pagtataas ng seating capacity sa mga public utility vehicles dahil walang kaugnayan ang public transport capacity sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Anila, napiling maunang ipatupad ito sa Metro Manila dahil sa 81.4% ng populasyon dito ang fully vaccinated na laban sa virus at well-ventilated din ang mga pampublikong sasakyan dito.

Layunin din ng kagawaran na muling maibalik ang sa dati ang kabuhayan ng mga drivers at operators dahil lubha itong nang magsimula ang pandemya. (Marlene Padiernos)